Mariing inilatag ni Mohagher Iqbal, Chair ng MILF Peace Panel, ang kanyang legal at pampulitikang pananaw hinggil sa tanong kung ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay tunay pa ring “MILF-led,” sa isang talumpating naglatag ng malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng namumuno at namamahala.
Ayon kay Iqbal, magkaiba ang konsepto ng pamumuno at pamamahala sa konteksto ng gobyerno. Maaaring may isang lider na kinikilalang “namumuno,” ngunit kung wala naman siyang tunay na kapangyarihan sa pagpapatakbo ng pamahalaan, hindi ito maituturing na ganap na pamamahala. Sa ganitong diwa niya tinanong: ang BARMM ba ngayon ay pinamumunuan at pinamamahalaan pa rin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)?
Binigyang-diin niya na ang pagbuo ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ay malinaw na nakapaloob sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), kung saan tahasang itinakda na ang BTA ay “MILF-led.” Ang parehong prinsipyong ito, aniya, ay muling pinagtibay sa Bangsamoro Organic Law, na nagsasaad na ang Transition Authority ay MILF-led nang hindi isinasantabi ang partisipasyon ng MNLF.
Binalikan ni Iqbal ang aktuwal na implementasyon ng batas noong mga nakaraang taon. Noong administrasyon ni Rodrigo Duterte, ang Chief Minister at ang 40 iba pang miyembro ng BTA Parliament ay nagmula sa opisyal na listahang isinumite ng MILF Central Committee. Ganito rin umano ang naging praktika hanggang sa unang bahagi ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr..
Ngunit ayon kay Iqbal, nagbago ito matapos ang extension ng transisyon mula 2022 hanggang 2025. Aniya, ang pagkakahirang ng bagong Chief Minister at ilang miyembro ng Parliament na hindi nagmula sa opisyal na listahan ng MILF ay nagbukas ng seryosong tanong sa pagsunod ng pamahalaan sa CAB at sa Bangsamoro Organic Law. Nilinaw niyang wala siyang personal na isyu laban sa kasalukuyang mga itinalaga, kundi ang kanyang kinukwestyon ay ang paglihis sa malinaw na kasunduan at batas.
Ipinaliwanag ni Iqbal na ang kahulugan ng “namumuno at namamahala” ay hindi lamang nakasalalay sa posisyon ng Chief Minister at sa dami ng miyembro ng Parliament na mula sa MILF. Higit pa rito, aniya, mahalaga na ang mga pangunahing desisyon ng pamahalaan ay nagmumula sa kolektibong pasya ng MILF leadership at dumaraan sa wastong proseso ng deliberasyon sa Parliament, hanggang sa maipatupad ng Chief Minister bilang pinuno ng lehislatura.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Iqbal ang bukas na talakayan at masusing pag-iisip sa isyu, iginiit na ang pagsasabi ng katotohanan ay maaaring hindi palaging popular ngunit mahalaga upang mapanatili ang integridad ng peace process. Aniya, ang tunay na diwa ng “MILF-led BARMM” ay hindi dapat maging simboliko lamang kundi isang substantibong pamumuno at pamamahalang naaayon sa kasunduan at batas na pinagtibay ng lahat ng panig.






Views Today : 23
Views Yesterday : 85
Views Last 7 days : 824
Views Last 30 days : 3498
Views This Month : 2806
Views This Year : 18668
Total views : 30803
Leave a Reply