Bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na Ramadhan 2026, opisyal na inilunsad ng Ministry of Health – BARMM, sa pamamagitan ng Health Promotion Unit (HPU) katuwang ang Nutrition Division, ang 30-Day Ramadhan Meal Plan sa ginanap na Science and Spirit of Fasting Symposium noong Pebrero 11, 2026 sa Minister’s Hall ng MOH Compound.
Ang inilunsad na meal plan ay nagsisilbing komprehensibong gabay para sa masustansiya at balanseng pagkain sa panahon ng Suhur at Iftar. Layunin nitong tulungan ang mga Bangsamoro na makapili ng mas malusog na pagkain at mapanatili ang sapat na enerhiya para sa mga gawain ng pagsamba at iba pang sagradong aktibidad sa buong buwan ng Ramadhan.
Binigyang-lalim ng isang iskolar mula sa Bangsamoro Darul Ifta, na si Sadawi Sabang Cana, ang espiritwal na dimensyon ng pag-aayuno sa kanyang paksang “The Spiritual Lens: Fasting as a Pillar of Wellness.” Ayon kay Sheikh Cana, ang pag-aayuno ay hindi lamang pag-iwas sa pagkain at inumin, kundi isang paraan upang makamit ang Taqwa o mas malalim na kamalayan sa Allah (SWT).
“Sa pamamagitan ng pag-aayuno, naaalala ng bawat isa ang nararamdaman ng mga mahihirap. Dahil dito, nahuhubog ang puso upang maging mas mahabagin, at nagiging daan ito upang manaig ang kawanggawa at kabutihan sa sangkatauhan,” pahayag ni Sheikh Cana.
Samantala, tinalakay naman ni Zul Qarneyn Abas, Deputy Minister ng MOH, ang aspeto ng kalusugan at medisina sa kanyang presentasyon na “The Medical Lens: Fasting as a Benefit and Safety.” Binibigyang-diin niya ang mga benepisyong pangkalusugan ng pag-aayuno, gayundin ang mga kinakailangang pag-iingat upang matiyak ang ligtas at maayos na pag-obserba ng Ramadhan, lalo na para sa mga may partikular na kondisyon sa kalusugan.
Ang symposium at ang paglulunsad ng 30-Day Ramadhan Meal Plan ay nagpapakita ng holistic na pananaw ng MOH BARMM—pinag-uugnay ang agham, kalusugan, at espiritwalidad—upang masiguro na ang mga Bangsamoro ay handa hindi lamang sa pisikal kundi pati sa espiritwal na aspeto ng banal na buwan ng Ramadhan.








Views Today : 104
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 682
Views Last 30 days : 3631
Views This Month : 2349
Views This Year : 18211
Total views : 30346
Leave a Reply