Mariing kinondena ng Moro Islamic Liberation Front Central Committee Secretariat ang kumakalat na pahayag mula sa isang indibidwal na nagpapakilalang miyembro umano ng kanilang tanggapan at nagsasabing may basbas ni Secretary Muhammad Ameen ang kanyang mga inilalabas na impormasyon.
Sa opisyal na pahayag, iginiit ng Secretariat na WALANG KATOTOHANAN ang naturang claim at walang awtoridad ang nasabing indibidwal na magsalita sa ngalan ng Central Committee. Nilinaw din na ang Secretary ay walang kaalaman o pag-apruba sa mga impormasyong ipinakakalat online.
Binigyang-diin ng pamunuan na ang mga desisyon hinggil sa mga nakaraang pagbabago sa liderato, kabilang ang paglipat ng pamumuno ng noo’y BTC mula kay Brother Mohagher Iqbal patungong kay Brother Ghazali Jaafar (Allahu Yarhamu), ay resulta ng serye ng kolektibong pagpupulong at konsultasyon ng Central Committee—hindi personal na hakbang ng sinuman.
Ayon sa pahayag, ang pagpapakalat ng maling salaysay ay nagdudulot ng fitna, kalituhan, at pagkakawatak-watak sa hanay ng organisasyon at sa komunidad ng Bangsamoro. Hinikayat ang publiko na maging mapanuri at responsable sa paggamit ng social media, at i-report ang mga pahina o account na nagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Tiniyak ng MILF na patuloy nitong ipagtatanggol ang katotohanan at ang diwa ng pagkakaisa laban sa anumang tangkang manira o maghasik ng maling impormasyon.







Views Today : 94
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 672
Views Last 30 days : 3621
Views This Month : 2339
Views This Year : 18201
Total views : 30336
Leave a Reply