Nagsagawa ng serye ng camp at community visits ang Bangsamoro Parliament sa pangunguna ng Paliament Speaker Mohammad Yacob bilang bahagi ng pinalakas na ugnayan sa mga komunidad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong nakaraang buwan ng Marso.
Saklaw ng pagbisita ang anim na pangunahing kampo ng MILF: Camp Bushra sa Butig, Lanao del Sur; Camp Bilal sa Munai, Lanao del Norte; Camp Abubakar As-Siddique sa Barira, Maguindanao del Norte; Camp Bad’r sa Guindulungan, Maguindanao del Sur; Camp Omar sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur; at Camp Rajah Muda sa Ligawasan, Special Geographic Area.
Ayon kay Secretary General Raby Angkal, layunin ng inisyatibang ito na palakasin ang ugnayan sa mga komunidad sa loob ng mga kampo, isulong ang pagkakaisa ng mamamayang Bangsamoro, at kilalanin ang mahalagang ambag ng mga mujahideen at mujahidat sa kasaysayan ng rehiyon.
Nagsilbi rin ang mga pagbisita bilang plataporma para sa koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan, civil society organizations, at mga institusyong panrehiyon. Sa mga isinagawang konsultasyon, ibinahagi ng mga opisyal ang mga update hinggil sa mga programa ng pamahalaan at tinalakay ang transisyon mula sa armadong pakikibaka tungo sa pamamahala matapos ang pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law.
Aktibong nakibahagi ang mga miyembro ng komunidad—kabilang ang mga MILF commanders, lokal na lider, kababaihan, at kabataan—na naglatag ng kanilang mga pangangailangan at alalahanin, tulad ng edukasyon, kabuhayan, imprastraktura, at access sa pangunahing serbisyo. Ayon sa mga opisyal, ang mga rekomendasyong ito ay ipapasa sa mga kaukulang ahensya para sa agarang aksyon.
Kasabay nito, namahagi rin ng tulong ang delegasyon kabilang ang bigas, gamot, at food packages bilang bahagi ng humanitarian support sa mga komunidad.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Bangsamoro Parliament na patatagin ang inklusibong pamamahala, palalimin ang pakikipag-ugnayan sa grassroots communities, at tiyakin na walang maiiwan sa proseso ng kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro.








Views Today : 22
Views Yesterday : 70
Views Last 7 days : 675
Views Last 30 days : 3549
Views This Month : 1834
Views This Year : 17696
Total views : 29831
Leave a Reply