𝟐𝟖,𝟎𝟎𝟎 𝐒𝐈𝐆𝐍𝐀𝐓𝐔𝐑𝐄𝐒—𝐌𝐀𝐃𝐀𝐑𝐈𝐒 𝐒𝐓𝐀𝐊𝐄𝐇𝐎𝐋𝐃𝐄𝐑𝐒 𝐊𝐎𝐍𝐓𝐑𝐀 “𝐒𝐏𝐋𝐈𝐓𝐓𝐈𝐍𝐆” 𝐍𝐆 𝐌𝐁𝐇𝐓𝐄

Naglatag ng malinaw na posisyon ang mga madaris stakeholders hinggil sa panukalang pagbabago sa estruktura ng Ministry of Basic Higher and Technical Education, kasunod ng isinagawang press conference kung saan ipinahayag ang kolektibong paninindigan ng sektor.

Ayon sa mga kinatawan, ang kanilang posisyon ay suportado ng mahigit 26,091 lagda mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro, na inaasahang aabot sa humigit-kumulang 28,000 kung maisasama ang mga karagdagang pirma mula sa Marawi City.

Unang binigyang-diin ng grupo ang kanilang matibay na pagtutol sa “splitting” o paghahati ng MBHTE sa magkakahiwalay na tanggapan. Anila, ang kasalukuyang istruktura ay nakapaloob na sa Bangsamoro Organic Law at hindi dapat baguhin habang nasa transition period pa ang Bangsamoro Government.

Gayunpaman, kinilala rin nila ang pangangailangan ng reporma sa loob ng sistema. Bilang alternatibo, iminungkahi ng stakeholders ang pagpapatupad ng decentralized operations upang mas mapalakas ang bawat subsector, kabilang ang Madaris Education, Basic Education, Higher Education, at Technical Education. Layunin nito na mabigyan ng mas malawak na operational autonomy ang bawat directorate upang mas mabilis at epektibong matugunan ang mga isyu sa sektor.

Ikalawang panukala ang pagbibigay ng fiscal autonomy sa bawat directorate upang mapahusay ang implementasyon ng mga programa at maiwasan ang pagkaantala sa operasyon.

Bilang fallback position, kung hindi maisasakatuparan ang mga nabanggit, iginiit ng grupo na hindi dapat paghiwalayin ang Madaris Education at Basic Education, dahil pareho itong saklaw ng iisang mandato.

Sa huling bahagi ng kanilang posisyon, binigyang-diin ng stakeholders na kung sakaling hindi maiiwasan ang paghihiwalay ng Madaris Education, dapat tiyakin na hindi mababawasan ang mandato, kakayahan, at kasalukuyang mga programa nito.

Matapos ang press conference, pormal na isinumite ang kanilang position paper sa tanggapan ni Atty. Naguib Sinarimbo Uyod, at binigyan din ng kopya si Mohammad S. Yacob para sa kaukulang aksyon at deliberasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

024503
Views Today : 250
Views Yesterday : 107
Views Last 7 days : 985
Views Last 30 days : 3721
Views This Month : 708
Views This Year : 23287
Total views : 35422