Sa isang Facebook post, nagbahagi si Atty. Camilo Miguel Montesa ng isang malalim na political analysis kaugnay sa lumalalang tensyon sa loob ng Bangsamoro leadership kasunod ng pagkakatanggal kay MBHTE Minister Mohagher Iqbal.
Ayon kay Montesa, hindi umano sinunod ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang naging panawagan ng MILF Central Committee na pansamantalang ihinto muna ang anumang hakbang laban kay Iqbal habang wala pang pormal na konsultasyon sa pagitan ng MILF leadership at Bangsamoro government. Sa halip, matapos tumanggi si Iqbal na magbitiw sa puwesto, tuluyan umano siyang tinanggal sa serbisyo batay sa “loss of trust and confidence.”
Binigyang-diin ni Montesa na mahalagang tandaan na ang COA special audit findings laban sa MBHTE ay preliminary pa lamang at wala pang pinal na finding of guilt o formal charges laban kay Iqbal. Para sa kanya, ang paggamit umano sa nasabing audit bilang basehan ng agarang political action ay may malaking implikasyon hindi lamang sa MBHTE kundi maging sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Sa kanyang pagsusuri, ginamit ni Montesa ang halimbawa ng Aceh, Indonesia matapos ang peace agreement doon, kung saan nagkaroon umano ng internal political divisions sa loob ng dating liberation movement kahit nananatiling umiiral ang peace framework. Ayon sa kanya, hindi raw “natatapos” ang MILF kundi posibleng nahahati ito sa magkakaibang sentro ng kapangyarihan at impluwensya.
Binanggit din niya na ang pag-alis kay Iqbal, na isa sa mga pangunahing negotiator at signatory ng peace agreements, ay maaaring tingnan ng ilan bilang usaping may direktang epekto sa moral authority at unity ng movement sa gitna ng transition period sa BARMM.
Sa huli, nanawagan si Montesa na mapanatili ang diwa ng peace process, maibalik ang malawakang konsultasyon sa pagitan ng GPH at MILF peace implementing bodies, at matiyak na ang nalalapit na halalan sa BARMM ay hindi magiging sanhi ng mas malalim pang hidwaan sa loob ng Bangsamoro leadership.









Views Today : 18
Views Yesterday : 295
Views Last 7 days : 968
Views Last 30 days : 3688
Views This Month : 771
Views This Year : 23350
Total views : 35485
Leave a Reply