Naglabas ng matinding political commentary si Atty. Camillo Montesa kaugnay sa kasalukuyang sitwasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), partikular sa usapin ng pamumuno sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), peace process implementation, at mga kontrobersiyal na panukalang batas sa Parliament.
Sa kanyang Facebook post, iginiit ni Atty. Montesa na mula noong mapalitan si dating Chief Minister Ahod ‘Al Haj Murad’ Ebrahim ni Abdulraof Macacua noong Marso 2025, nagkaroon umano ng malaking pagbabago sa direksyon ng BTA at sa impluwensya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamahalaang Bangsamoro.
Ayon kay Montesa, si Macacua ay hindi umano kabilang sa opisyal na listahan ng MILF nominees para sa Chief Minister position at ang kanyang pagkakatalaga ay nagresulta umano sa tinatawag ni dating MBHTE Minister Mohagher Iqbal na “regime change” sa BARMM.
Binanggit din ni Montesa ang umano’y pagbawas sa bilang ng MILF seats sa BTA mula 41 patungong 35 sa loob ng 80-seat Parliament, bagay na aniya ay nakaapekto sa dating majority control ng MILF-aligned bloc.
Kasabay nito, sinabi rin niya na ang kasalukuyang liderato ng BTA ay hindi na umano sumusunod sa guidance ng MILF Central Committee at sa halip ay nagpapatakbo ng sariling political direction, kabilang ang pagbuo ng Bangsamoro Federalist Party kasabay ng pag-iral ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Tinukoy rin sa kanyang pahayag ang pagtanggal kay Mohagher Iqbal bilang pinuno ng MBHTE noong Mayo 18 sa kabila umano ng direktang kahilingan ng MILF Central Committee na huwag ituloy ang naturang hakbang.
Bukod dito, binatikos din ni Montesa ang ilang legislative developments sa Bangsamoro Parliament, kabilang ang mga panukalang mag-aalis umano sa anti-dynasty at anti-party switching provisions ng Bangsamoro Electoral Code, gayundin ang mga panukalang hatiin ang MBHTE sa apat na magkakahiwalay na ministries.
Ayon sa kanya, bagama’t hindi pa batas ang mga ito, malinaw umano ang layunin na kontrolin ang pondo, electoral districts, at educational sector bago ang kauna-unahang regular parliamentary elections sa Setyembre 2026.
Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, nanawagan si Montesa sa national government at sa BTA leadership na muling ihanay ang kanilang mga hakbang sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), ipagpatuloy ang normalization process, at iwasan ang mga political actions na maaaring magdulot umano ng mas malalim na pagkakahati at instability sa Mindanao.








Views Today : 112
Views Yesterday : 59
Views Last 7 days : 819
Views Last 30 days : 3828
Views This Month : 3697
Views This Year : 30291
Total views : 42426
Leave a Reply