MAGUINDANAO DEL SUR – Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur, sa ilalim ng WaSH (Water, Sanitation, and Hygiene) Program ng HEART – Health and Citizenry Team, ang pagtataguyod ng kalinisan at wastong kalusugan sa mga kabataang mag-aaral sa pamamagitan ng pamamahagi ng Children’s Hygiene Kits at turnover ng handwashing facilities sa piling mga paaralan.
Kabilang sa mga benepisyaryong paaralan ang Adaon Elementary School sa Datu Anggal Midtimbang, Fukol Primary School sa Talayan, at Dimananal Elementary School sa Guindulungan. Pangunahing nakinabang sa programa ang mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1, bilang bahagi ng layuning maitanim ang tamang gawi sa kalinisan at pangangalaga sa kalusugan sa murang edad.
Sa pakikipagtulungan ng mga Rural Health Units (RHUs) ng mga nasabing bayan, nagsagawa rin ng handwashing demonstrations ang mga lokal na health personnel upang turuan ang mga bata ng wastong paghuhugas ng kamay at kahalagahan nito sa pag-iwas sa sakit at pagpapanatili ng mabuting kalusugan.
Bilang karagdagang suporta sa edukasyon, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, Alhadj ng mga school bag na may kumpletong school supplies at tumbler, na hinihikayat ang mga mag-aaral na uminom ng ligtas na tubig at mapanatili ang tamang hydration habang nasa paaralan.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa pagpapatupad ng mga programang nagsusulong ng kalusugan, kalinisan, at kapakanan ng mga mag-aaral.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng mga programang may kinalaman sa water, sanitation, at hygiene (WaSH) upang makabuo ng mas malusog, ligtas, at responsableng henerasyon ng kabataan sa Maguindanao del Sur.







Views Today : 53
Views Yesterday : 113
Views Last 7 days : 910
Views Last 30 days : 3661
Views This Month : 1940
Views This Year : 24519
Total views : 36654
Leave a Reply