Iginiit ni BIAF-MILF 128th Base Commander Abu Saima Husain na walang sinumang miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ang maaaring magdala ng armas sa loob ng mga komunidad o magsagawa ng paggalaw nang walang kaukulang koordinasyon sa ilalim ng umiiral na mga mekanismo ng kapayapaan.
Ito ang isa sa mga pangunahing pahayag sa isinagawang Coordination Meeting ng 33rd Infantry Battalion, Moro Islamic Liberation Front (MILF), at iba pang peace partners sa Headquarters ng 33rd Infantry Battalion sa Barangay Salunayan, Midsayap, Cotabato noong Agosto 5, 2026.
Ayon kay Abu Saima Husain, hindi nangangahulugang maaaring lantaran ang pagdadala ng armas sa isang lugar dahil lamang ito ay kinikilalang MILF community.
“Hindi ibig sabihin ng MILF community ay kampo. Bawal pa rin ang pagdadala ng baril, lalo na kung lalabas sa komunidad,” paliwanag ng BIAF-MILF commander.
Binigyang-diin din niya na ang bawat paggalaw ng mga yunit ng BIAF ay dapat dumaan sa opisyal na koordinasyon sa pagitan ng MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at ng katapat nitong mekanismo ng pamahalaan bago ito isagawa.
Aniya, kabilang sa mga impormasyong isinusumite sa koordinasyon ang pangalan ng commander, ruta ng paggalaw, uri ng sasakyan, plate number, at bilang ng mga kasama upang maiwasan ang anumang miscommunication sa pagitan ng MILF at ng security forces.
Idinagdag pa niya na kahit bona fide member ng BIAF ang isang indibidwal, maaari pa rin itong sitahin ng Philippine National Police (PNP) o Armed Forces of the Philippines (AFP) kung walang kaukulang koordinasyon.
Sa pagpupulong, tinalakay rin sa open forum ang iba’t ibang usapin kabilang ang termination order ng isang MILF member, presensya ng mga armadong grupo sa area of operations, isyu ng iligal na droga sa ilang MILF communities, at ang paghahanda para sa isang honest, orderly, and peaceful Barangay and Parliamentary Elections (BPE) 2026.
Ayon sa mga kalahok, layunin ng coordination meeting na higit pang palakasin ang ugnayan ng militar, MILF, at iba pang peace partners upang mapanatili ang kapayapaan, maiwasan ang hindi pagkakaunawaan, at matiyak ang maayos na seguridad sa mga komunidad.







Views Today : 53
Views Yesterday : 60
Views Last 7 days : 519
Views Last 30 days : 2176
Views This Month : 791
Views This Year : 34134
Total views : 46269
Leave a Reply