Naglabas ng opisyal na fatwa ang Bangsamoro Darul Ifta’ (BDI) na nagpapahayag ng pagbabawal (haram) sa paggamit ng Tumbak, o betel chewing, matapos mapatunayang ito ay may masamang epekto sa kalusugan at sa lipunan.
Ang desisyon ay bunga ng isang katanungang ipinasa ni Sheikh Murshid Sanu-uk Abdulkadir, Bangsamoro Alim ng Basilan Province, hinggil sa legalidad ng paggamit ng Tumbak sa pananaw ng Islam.
Matapos ang masusing pag-aaral at deliberasyon, natukoy ng BDI na ang Tumbak—na binubuo ng tabako, bunga at dahon ng ikmo, at apog—ay nagdudulot ng seryosong pinsala sa kalusugan, kabilang na ang mga sakit sa bibig, baga, at puso. Bukod dito, itinuturing itong pag-aaksaya ng kayamanan at sanhî ng abala sa publiko dahil sa hindi kanais-nais na amoy at dumi na dulot ng paggamit nito.
Batay sa mga batas ng Qur’an at mga turo ng Propeta Muhammad (peace be upon him), ang anumang bagay na napatunayang nakapipinsala sa katawan o sa kapwa ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Shari’ah.
“Ang bawat Muslim ay may tungkuling pangalagaan ang kanyang kalusugan at kalinisan. Ang paggamit ng Tumbak ay salungat sa prinsipyong ito,” ayon sa pahayag ng Darul Ifta’.
Nanawagan ang BDI sa lahat ng mamamayang Bangsamoro na iwasan ang paggamit ng Tumbak bilang pagsunod sa turo ng Islam tungo sa malinis na pamumuhay, mabuting kalusugan, at marangal na asal.








Views Today : 117
Views Yesterday : 92
Views Last 7 days : 869
Views Last 30 days : 4434
Views This Month : 3087
Views This Year : 29681
Total views : 41816
Leave a Reply