Matagumpay na ginanap ang World Teachers’ Day Celebration sa bayan ng Talayan, Maguindanao del Sur, sa pangunguna ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, katuwang sina Vice Governor Ustadz Hisham S. Nando, LMP President Datu Nathaniel Midtimbang, at Municipal Mayor Datu Tungkang Midtimbang.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Governor Midtimbang sa lahat ng mga guro, lalo na sa mga volunteer teachers, na patuloy na nagsisilbi sa kabila ng mga hamon at kakulangan sa pasilidad at sahod.
“Noon kami ay nangangailangan sa inyo, hindi ninyo kami binitawan. Ngayon, ang mga pagsisikap ninyo ay bumunga ng maganda — at ngayon, kami naman ang magbabalik sa inyo ng aming pasasalamat sa abot ng aming makakaya,” pahayag ni Gov. Midtimbang.
Samantala, binigyang-diin ni Vice Governor Ustadz Hisham Nando ang mataas na antas ng dangal ng propesyon ng mga guro, na sa wikang Arabic ay tinatawag na “Mu’allim,” o tagapagturo ng karunungan at kabutihan.
“Para sa akin, araw-araw ay Teachers’ Day — dahil ang mga guro ay tumatayong pangalawang magulang sa ating lahat,” ani ng Bise Gobernador.
Bilang bahagi ng selebrasyon, ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ang cash assistance na P5,000 bawat isa sa mahigit 100 volunteer teachers bilang pagkilala sa kanilang walang sawang serbisyo.
Nagkaroon din ng libreng serbisyo para sa mga guro at mamamayan, kabilang ang hair consultation, libreng gupit, hair treatment, manicure, pedicure, foot spa, at libreng bunot ng ngipin sa ilalim ng Midtimbang CARES Program.
Ang pagdiriwang ay nagbigay-diin sa malasakit, pagkakaisa, at kahalagahan ng edukasyon bilang haligi ng kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan.







Views Today : 22
Views Yesterday : 90
Views Last 7 days : 635
Views Last 30 days : 3558
Views This Month : 1924
Views This Year : 17786
Total views : 29921
Leave a Reply