Isang makasaysayang hakbang para sa kapayapaan at kaunlaran ng Maguindanao del Sur ang isinagawa nitong Oktubre 22, matapos personal na ipresenta kay Governor Datu Ali Midtimbang ang Integrated Agriculture Program Blueprint na naglalayong gawing Halal Food Production Zone ang dating conflict area ng lalawigan.
Sa pagtitipon na ginanap sa UBJP Headquarters sa Talayan, sa harap ng mga opisyal at tradisyunal na lider, binigyang-diin ng program proponent na ang tunay na kapayapaan ay nagsisimula sa pagkakaroon ng pagkain at kabuhayan.
“Peace begins in the stomach. Kapag busog ang tao, may trabaho at kita, ang kapayapaan ay kusang dumarating,” aniya.
Malugod naman ang tugon ni Gov. Ali Midtimbang, kasama si Mayor Nathaniel Midtimbang ng Datu Anggal, na unang nakipag-ugnayan para sa pagbuo ng programa.
“Malaking bagay ito sa aming layunin na mabigyan ng direksyon ang pagsasaayos ng aming lalawigan at mga ‘rido’. Maraming salamat sa tulong at inspirasyon,” ani Gov. Midtimbang.
Ang programang pinamagatang “Food For Peace: Maguindanao del Sur Integrated Agriculture Program” ay nakatuon sa corn, sorghum, at soybeans production bilang pundasyon ng livestock industry na kinabibilangan ng cattle, goat, at free-range chicken.
Kabilang sa mga unang nagpahayag ng suporta ang:
- NIA Administrator Eddie Guillen, na nangakong maglalaan ng 5 solar-powered irrigation systems para sa MILF camps at Teduray community.
- Presidential Peace Adviser Sec. Carlito Galvez, na susuporta sa pamamagitan ng livelihood, cattle breeding, warehouses, at farm-to-market roads.
- PhilMech Director Dionisio Alvindia, na naglaan ng farm equipment para sa 2026.
Sa susunod na linggo, ang Maguindanao del Sur Integrated Agriculture Blueprint ay isusumite sa Sangguniang Panlalawigan para sa pormal na pag-adopt.
Sa pangunguna ng Gov. Midtimbang Administration at sa tulong ng mga national at regional agencies, nagiging realidad na ang pangarap na palitan ang gulo ng kabuhayan, at ang takot ng pag-asa—sa pamamagitan ng agrikultura.







Views Today : 24
Views Yesterday : 90
Views Last 7 days : 637
Views Last 30 days : 3560
Views This Month : 1926
Views This Year : 17788
Total views : 29923
Leave a Reply