Mas pinaigting ng pamahalaang bayan ng Ligawasan ang koordinasyon at pagpapatupad ng mga programa para sa kapayapaan, seguridad, at disaster preparedness sa isinagawang pinagsanib na pagtitipon ng Municipal Peace and Order Council (MPOC), Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC), at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) nitong March 24, 2026 sa Municipal Function Hall sa Brgy. Bulol ng nasabing bayan.
Sa pangunguna ni Ligawasan Mayor Ismael Sultan Mama, naglatag ang mga opisyal at partner agencies ng mga konkretong hakbang upang palakasin ang peace and order initiatives, paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga, at tiyakin ang kahandaan ng bayan sa anumang sakuna.
Tinalakay rin ang mga nagawang programa at mga susunod na hakbang upang mas mapabuti ang paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan. Binigyang-diin sa pagtitipon ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na koordinasyon at agarang aksyon ng bawat ahensya upang matugunan ang pangangailangan ng komunidad.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Mayor Mama ang pagkakaisa ng lahat ng sektor kabilang ang pamahalaan, security forces, at komunidad upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaayusan. Binigyang-diin din niya na ang sama-samang pagkilos ang susi sa pagkamit ng tunay at makabuluhang pagbabago sa bayan.
Nagpaabot din ng panawagan ang alkalde sa mga armadong grupo na makipagtulungan sa pamahalaan bilang katuwang sa layuning mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa bayan.
Patunay aniya na ang inisyatibong ito na patuloy na nagsusumikap ang lokal na pamahalaan na palakasin ang ugnayan ng mga ahensya at tiyakin ang isang ligtas, handa, at maunlad na komunidad para sa bawat Ligawaseño.







Views Today : 86
Views Yesterday : 87
Views Last 7 days : 618
Views Last 30 days : 3576
Views This Month : 2202
Views This Year : 18064
Total views : 30199
Leave a Reply