“𝐃𝐈𝐒𝐌𝐈𝐒𝐒𝐀𝐋 𝐖𝐈𝐓𝐇𝐎𝐔𝐓 𝐃𝐔𝐄 𝐏𝐑𝐎𝐂𝐄𝐒𝐒” — 𝐌𝐎𝐇𝐀𝐆𝐇𝐄𝐑 𝐈𝐐𝐁𝐀𝐋, 𝐁𝐈𝐍𝐀𝐒𝐀𝐆 𝐀𝐍𝐆 𝐊𝐀𝐓𝐀𝐇𝐈𝐌𝐈𝐊𝐀𝐍 𝐌𝐀𝐓𝐀𝐏𝐎𝐒 𝐌𝐀𝐓𝐀𝐍𝐆𝐆𝐀𝐋 𝐒𝐀 𝐌𝐁𝐇𝐓𝐄!

Naglabas ng opisyal na pahayag si dating Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) Minister Mohagher M. Iqbal kaugnay ng pagpapatupad ng kanyang dismissal bilang pinuno ng naturang ministry.

Sa kanyang statement na may petsang Mayo 22, 2026, sinabi ni Iqbal na kanyang kinikilala ang naging desisyon ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua na tanggalin siya bilang MBHTE Minister epektibo noong Mayo 18, 2026.

Ayon kay Iqbal, ang pangunahing dahilan na ibinigay umano ng Interim Chief Minister ay “lack of trust and confidence” o kawalan ng tiwala at kumpiyansa sa kanya bilang pinuno ng MBHTE.

Gayunman, nilinaw ni Iqbal na ang kanyang dismissal ay isinagawa umano nang walang due process at iginiit niyang hindi siya nagbitiw sa kanyang posisyon.

Aniya, tumanggi umano siyang mag-resign dahil nais niyang maipagpatuloy ang maayos na turnover ng mga proyekto, records, at responsibilidad ng MBHTE upang matiyak ang maayos na transition sa loob ng ministry.

Binanggit din ni Iqbal na noong Mayo 19 ay nagtungo pa umano siya sa opisina upang opisyal na simulan ang turnover process, ngunit sinabi niyang noon pa man ay nauna nang umakto ang Interim Chief Minister bilang pinuno ng MBHTE noong Mayo 18.

Sa kanyang pahayag, kinilala rin ni Iqbal na may prerogative ang Chief Minister sa pagtatalaga at pagtanggal ng mga opisyal, subalit iginiit niyang hindi ito dapat isagawa nang walang pagsunod sa due process at constitutional guarantees.

Kasabay nito, nanawagan si Iqbal ng sobriety, restraint, at pagkakaisa sa gitna ng umiiral na tensyon sa Bangsamoro region, lalo na habang papalapit ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.

Hinimok din niya ang international community na ipagpatuloy ang suporta sa peace process sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF), at panatilihin umano ang pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, nagpasalamat si Iqbal sa mga kawani ng MBHTE at sa mga sumuporta sa kanyang pamumuno, kasabay ng paninindigang ipagpatuloy ang adbokasiya para sa edukasyon at kapayapaan sa Bangsamoro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

024516
Views Today : 276
Views Yesterday : 107
Views Last 7 days : 1011
Views Last 30 days : 3747
Views This Month : 734
Views This Year : 23313
Total views : 35448