Siyam na taon matapos ang Marawi Siege, muling nakipagpulong ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa mga pamilyang nananatiling Internally Displaced Persons (IDPs) upang alamin ang kanilang kasalukuyang kalagayan at mga pangunahing pangangailangan.
Sa isinagawang consultation dialogue noong Hunyo 5, 2026, hinarap ng mga opisyal ng MSSD sa pangunguna ni Director General Mohammad Muktadir Estrella ang mga lider ng iba’t ibang shelter communities sa Marawi City upang pakinggan ang kanilang mga hinaing at talakayin ang mga posibleng tugon ng pamahalaan.
Kabilang sa mga pangunahing isyung inilatag ng mga IDP leaders ang agarang paglipat sa permanenteng pabahay, pagkakaroon ng napapanatiling kabuhayan, at sapat na suplay ng malinis na tubig. Ayon sa kanila, nananatiling mabigat ang kanilang sitwasyon sa kabila ng halos isang dekadang pagbangon mula sa digmaan.
Bilang tugon, tiniyak ng MSSD na gagamitin ang Bangsamoro Autonomy Act No. 62 o ang Bangsamoro IDP Law upang mapalakas ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan. Ang batas na ito ang kauna-unahang legal framework sa bansa na nakatuon sa proteksyon at karapatan ng mga internally displaced persons.
Inihayag din ng ahensya na magsasagawa ng joint assessment kasama ang lokal na pamahalaan, development partners, at mismong mga IDPs upang matukoy ang mga prayoridad na interbensyon para sa kanilang komunidad.
Kasabay nito, ipatutupad ang Internally Displaced Persons Profiling, Assessment, and Response Tracking (iPART) System upang magkaroon ng mas komprehensibong datos at mas epektibong pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat pamilya.
Layunin ng mga hakbang na ito na matiyak ang ligtas, maayos, at makataong pagbabalik ng mga IDPs sa kanilang mga komunidad habang patuloy na isinusulong ang pangmatagalang rehabilitasyon at pagbangon ng Marawi.








Views Today : 14
Views Yesterday : 132
Views Last 7 days : 741
Views Last 30 days : 3589
Views This Month : 1494
Views This Year : 24073
Total views : 36208
Leave a Reply